u/rockromero

5 minute read

Na-inspire lang ako ng Welcome to Nightvale na Podcast.


Magandang umaga, Pilipinas! Magandang umaga! Dito sa 505.9, ang radyo ng masa, gawa para sa masa, at sinaksak sa baga ng masa simula ng binuo ang pandaigdigang teritoryo ng Pilipinas.

Masaya ang sinag ng haring araw sa ating isla. Nagbibigay buhay sa mga pananim na itinanim ng mga nagtatanim sa mga pinagtataniman. Nagpapalaki’t napapalakas sa iba’t ibang uri ng tanim tulad ng kalabasa, talong, upo, patatas, droga, kalamansi, bala, at mga panaginip na tumutubong lanta dala ng oras at mapapait na ala-ala.

Tulad na lamang ng mga pinya ni Aling Perla, mga tagapakinig. Si Aling Perla po ay isang tagatinda ng pinya sa isang maliit na barrio ng Loma de Gato. Ayon sa kanya, meron daw siyang pinya na bumubulong sa kanya ng mga sikreto ng lipunan sa kanyang pagtulog. Mga sikreto na mismong hindi nasisinagan ng Haring Araw. Sikretong mismong di nalalaman ng Gobyernong Pilipino. Sabi ni Aling Perla, bumubulong lahat ng kanyang mga Pinya. Hindi lang tayo nakikinig.

Sinubukan po namin kunin ang pahayag ng Haring Araw ukol sa mga sikreto ng mga Pinya ni Perla ngunit wala kaming nakuhang salita mula sa kanya. Ang tanging pahayag lamang na aming nakuha ay ang malakas na sinag ng araw na siyang bumulag sa isa sa aming mga tagapagbalita’t nagdulot ng matinding disgrasya sa kahabaan ng EDSA. Sa pamilya ni Carlo Robes, ikinalulungkot kong ipamahagi ang pagyao ng isang taong minahal bilang ama, asawa, at anak. Dito sa 505.9, nagluluksa kami sa pagkawala ng isang magiting na alipores. Bilang kumpyansa, magbibigay kami ng limang libong piso sa paglalamay ng yumao. Nakasama na rin po ang Jacket doon.

Siya nga pala, mga tagapakinig, ang darating na Mayo ay ang kapistahan ng mga manananggal. Bilang selebrasyon ng “Half-ness Awareness Month” at suporta sa mga tumakas sa Biglaang Paglaho ng Capiz noong 2103, itinalaga ng Gobyernong Pilipino ang pagsasara ng MRT-2 sapagkat doon ibibitin ang mga preso sa ilalim ng bawat haligi bilang handa sa libu-libong manananaggal na dadalo sa kapistahan. Lalo nang ikinatwa ito ni Marisel Walangsala, isa sa mga kabataang manananggal. “First time ko po kasi. Shy pa nga po ako at hindi ko pa alam ang gagawin ko,” ani Marisel habang iniipit ang dalang librong pang-aral sa kanyang dibdib. Isinisigyro naman ng Gobyernong Pilipino na gagawin nilang masaya ang bawat libangan. Balita ko nga, mga tagapakinig, na may mga palaro para sa mga batang manananggal na gumagamit ng piring at pamalo.

Sa kabilang balita naman. Sa buwan ng Mayo, inaasahang magtataas ang bayaran sa mga paradahan ng mga binte sa mga sumusunod na lugar:

  • Cubao
  • Ortigas
  • Boni
  • Bahay ni Manong Lope sa Kanto
  • at Makati

Pinapahayag naman ni Lucia Santa Maria na may naririnig siyang mga alulong ng mga aso sa kalagitnaan ng gabi sa kanyang tahanan. Ipinagtataka niya kung bakit walang nakakarinig nito sa buong Valley View bagamat rinig na rinig ang alulong nito hanggang sa bahay ni Lucia Santa Maria. Mga tagapakinig, nakatira si Lucia Santa Maria sa Santa Lucia, pitong kilometrong layo mula sa subdivision ng Valley View. Nang tanungin namin ang mga naninirahan sa Valley View umiwas lang sila ng tingin at sinabing: “Ayaw naming pagusapan iyon”. Mariin nilang binanggit na walang aso sa kanilang subdivision. Mariin din silang nagmakaawa na huwag itong ipamalita sa radio kung saan libu-libong - uhhh………..

Nagbukas nanaman ang Robinson Mall ng kadalawampu’t apat na beses mula nang paulit-ulit bugbugin ang imortal na Valentina Gokongwei ng isang Babaeng Lumulunok ng Bato, ito’y matapos niyang pasabugin ang bawat sangay ng kinikilalang mall. Kung maaalala ninyo, mga tagapakinig, matagal nang may galit ang Babaeng Lumulunok ng Bato kay Valentina nang hindi naibalik ang bayad niya sa sirang iPhone na ibinenta sa loob ng mall. “Hindi po namin kasalanan kung hindi nag-rerefund ang tindahan! Ang bawat tindahan ay may iba’t-ibang Store Policy!” marahas na isingaw ni Valentina sa kanyang PressCon pagkalabas ng ospital, “Hindi porke’t imortal ako, unlimited pera ko!”

Nang tanunin ng aming mamahayag si Valentina kung napuksa na ang mga pesteng ahas na siyang palasak sa bawat sangay ng Robinson, tinitigan lamang ni Valentina ang aming mamahayag. Isang. Matagal. Na. Titig. Wala nang umimik sa ibang mamahayag sa kuwarto sapagkat lahat sila’y naging mga bato. Ikinalulungkot naman naming ipamalita ang pagkamatay ng aming mamahayag na si Rosetta Bato. Nakikiramay kami kasama ng kanyang iniwang dalawang batang nasa edad ng pito at sampu. Kasama sa aming pakikiramay ang aming pamimigay sa mga nilisan ng dalawang libreng jacket at limang libong pisong panglamay. Walang ibang pamilya si Rosetta at wala rin siyang asawa.

Isang pagbabago mula sa balita ukol sa mga Pinya ni Perla. Naglabas ng pahayag ang gobyerno na binibilang nila ang mga Pinya bilang isang malaking banta sa komunidad. Ayon sa tagapagsalita ng BFAD, nadiskubre ng mga eksperto sa agham na ang pinya ay malakas makahagip ng masasamang espiritu. Matagal na nilang pinababayaan na dumami ang mga pinya sa Pilipinas sapagkat karamihan ng mga espiritu natin ay maski tanga o madaling manipulahin. Simula nang aking ipinahayag sa radyo ang mga Pinya ni Perla, sinalakay ng mga pulis ang kanyang tindahan. Limang pinya ang di umano’y nanlaban at pinagbabaril sa harap ng ibang mga pinya. Ayon sa aming mga tagapagsaliksik, may dalawang batang pinyang sinasabing anak ni Aling Perla. Mga tagapakinig, hindi po ba, marami ang mga mata ng pinya? Iniisip ko kung gaano karaming beses nakita ng mga batang pinya ang pagpatay sa kanilang lahi sabay ng pagsipsip ng mga pumatay sa mga bangkay ng kanilang mga kapatid. Sa mga ulat, tinatayang limang pinya ang namatay at labing-apat naman ang sugatan sa pag-aaresto ng mga pulis. Hindi mawari ng mga kapitbahay ni Aling Perla kung saan siya napunta.

Onga pala, salamat kay SPO2 Dominico Dela Cruz Jr. sa kanyang dalang pinya sa estasyon. Bilang pasasalamat, masaya kong binabalita ang pamimigay premyo ng 505.9 ng limang libong piso at isang Jacket! Isa kang marangal na mamamayan, Dominico! Marangal na mamamayan.

Mukhang ito lamang ang nalalabing oras para sa ating radyo, mga tagapakinig, napakabilis ng takbo ng oras at marami pang bagay sa mundo ang dapat nating ikasaya. Manatili lamang tayong nakatutok para sa susunod na programa ng isang oras ng isang dagang naipit ng flypaper.

Hanggang sa muli, Pilipinas!